Wednesday, August 1, 2012
Pacita-derecho
ang pagtingin ko sa buhay ay maihahalintulad ko sa pagpili ko ng masasakyang bus sa EDSA pauwi ng Laguna.
kadalasan, masugid kong hinihintay ang mga bus na pa-Pacita. yung Skyway-derecho, ika nga. kahit madalang ang pagdaan ng mga bus na derecho ng Pacita sa EDSA, matiyaga akong naghihintay. hangga't maari hindi ko sinasakyan yung mga bus pa-Pacita na dumadaan pa sa Alabang, kahit mas marami sila. mas mapapatagal pa kasi ang biyahe ko.
pero minsan, kapag naiinip na ako sa matagal na paghihintay ng Pacita-derecho na bus, di ko maiwasang maisip na sumakay sa mga bus na Pacita-Alabang. di bale nang matagalan sa biyahe wag lang matagalan sa paghihintay sa isang lugar. nakakaburyo din kasi ang maghintay.
minsan, sumakay ako sa isang bus na Pacita-Alabang. mas matagal ang biyahe ng mga bus na ito. sinubukan kong aliwin ang sarili ko sa pamamagitan ng pagtingin sa mga dinadaanang lugar at mga tao. iniisip ko rin na mabuti na itong nakakakita ako ng ibang tanawin kaysa sa naiinip akong maghintay sa EDSA at mapilitang langhapin ang samu't-saring usok ng lungsod.
bagaman naaliw ako sa bus na Pacita-Alabang, hindi pa rin mawala sa isip ko na nagsasayang lang ako ng oras. wala naman akong pakay sa Alabang. hindi ako dito patungo. hindi ako dito nakatira. hindi ito ang gusto kong puntahan. hindi ko maiwasang magsisi sa huli. sinayang mo ang oras, lagi kong sita sa sarili ko. kaya naman bihirang mangyari na sumakay ako sa bus na Pacita-Alabang.
kadalasan, sa pagpili ng bus na sasakyan--at sa buhay na rin--mas pinipili ko ang derecho, ang mas lohikal na daan--ang Pacita-derecho. matagal ang paghihintay pero sulit naman. kaya naman, hanggang ngayon, yung mga bus na Pacita-derecho pa rin ang masugid kong hinihintay. gaano man kadalang ang pagdaan nito.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment